"some moments you may feel intensely alive - remember that life springs from death."
This is my 4th post simula nang muli akong sumulat sa blog na ito. Tama ako. Tuloy-tuloy na ito.
Pero may isang pagkakamali ako. Akala ko tapos na ang blog ko tungkol kay Erick na kaibigan ko. Hindi pala. Heto pa pala ang kasunod.
Buhay na buhay na talaga ang blog kong ito. At hindi lang pala ang blog na ito ang muling mabubuhay, pati pala sa sarili ko, bagong buhay ang sisilay.
Last Sunday nang magpasya akong dumalaw sa kanyang lamay. Kahit na nga napakahaba at nakakapagod ang araw na iyon, pinili ko pa ring pahabain pa kasi wala na akong naiisip na pagkakataon na puwede akong pumunta sa lamay. Biruin mo, 5 am pa lang ay gising na ako dahil 5:30 am ang alis namin papunta sa bahay ng isang miyembro. Pagkatapos ng huling gawain sa church sa gabi, lumakad na ang "walang pahingang lalaki."
Sakay ng bus ng Saint Anthony, papuntang Cavite City, bumaba ako sa Noveleta. Isang jeep pa ang aking sinakyan at ako at nakila Erick na.
Boundery Ark ng Noveleta at Rosario |
Agad akong sinalubong ng asawa ni Erick na si Cielo. Sandali niyang hinawakan ang kamay ko at sabay kaming lumapit sa kabaong ni Erick. Lately, nagagawa ko na ring tumingin sa patay. Hindi dahil sa natatakot ako noon kundi gusto ko lang manatiling buhay sa aking alaala ang isang taong yumao.
Kasi para sa akin, kahit pa sabihin ng iba na parang natutulog lang ang patay, bangkay pa rin siya kung titignan ko dahil wala namang natutulog nang nakapang-abay.
"Ano ang nangyari?" ang tanong ko kay Cielo. Inaya niya akong maupo para doon siya magkuwento. Iyon ang unang pagkakataon na nagkausap kami ni Cielo. Nagkuwento siya ng mga pangyayari na maaaring naging dahilan ng atake sa puso ni Erick.
nalaglag na makopa |
"Actually, kuya, bonus na lang ang buhay ni Erick. 30% na lang kasi ng heart muscle niya ang nagpa-function. He needed not just a common heart operation but a transplant. Ayaw namang magpa-opera ni Erick dahil sabi niya baka mamatay pa siya sa operating room at sayang ang mga taong ipagsasama pa namin."
Tuloy-tuloy at malinaw ang mga kuwento ni Cielo. Minsan ay tumitigil, humihinga ng malalim, bumabaling sa iba ang paningin, pinipigilang madala ng damdamin. Sabi ko sa sarili ko, "kaharap ko ang isang babaeng matalino at matibay ang loob." Kahit kasi isang patak na luha wala mula sa kanya ay bumagsak.
Simple lang naman ang kanyang mga kuwento. Mga paglalahad lang ng araw-araw na gawain ng kaibigan ko. Pero hindi rin simple, kasi sa araw-araw na iyon ay may nahihipo si Erick na mga tao. Mula sa asawa niyang si Cielo, ang kanyag mga co-teachers, mga estudyante at mga magulang ng mga ito. Simpleng tao lang si Erick pero nakagawa siya ng mga bagay na hindi ordinaryo.
Sa isip ko, kung tutuusin at kung masyadong pursigido, malayo pa ang mararating ni Erick. Matangkad siya, may itsura, matalino, makadiyos at makatao. Mukha bang slogan ng politiko ang tono ko?
nalaglag na makopa |
"Teacher 3 na si Erick at may potential siya na maging principal, kuya. Dapat nga tatanggap siya ng award bilang Best Computer Teacher," dagdag pa ni Cielo.
Nabuhay sa aking gunita ang mga panahong pumapasok si Erick bilang scholar sa TUP.
"Kuya, kung saan-saan nanggagaling ang nakikipaglamay sa kanya. Pati nga ang kaibigan niya sa Tuguegarao ay luluwas daw upang sa huling pagkakataon siya ay makita. Pwede nga siyang tumakbo bilang opisyal ng gobyerno kahit nationwide pa."
"Sa school nga kuya may teacher na nagagalit sa kanya. Pero, gagawin lahat ni Erick para kaibiganin ang may galit sa kanya. Yung isa ngang teacher ay niyayakap pa niya magkabati lang sila.
Sa puntong ito naalala ko ang isang panahon na nainis ako kay Erick. Hindi dahil may ginawa siyang masama kundi dahil sobra ang paggawa niya ng mabuti. Youth Camp noon at magkatuwang kami sa paghandle ng isang grupo ng kabataan. Tuwing kakain, madalas siyang maubusan kasi lagi niyang pinauuna ang lahat bago siya.
nalaglag na makopa |
"Alam mo ba kuya? Nang malaman ng teacher na iyon na namatay na si Erick, agad niyang pinuntahan ang kanyang kagalit, niyakap at pinatawad gaya nang ginawa sa kanya ni Erick.
Sa puntong ito, marami na kaming napagkuwentuhan ni Cielo. Kung paano sila nagkakilala ni Erick at kung bakit hindi sila magkaanak.
Mahaba na nga ang aming usapan kasi nagpaalam na ang mga nakikipaglamay at tanging ako na lang ang naiwan.
Hayun, di pa rin nagawang umiyak ni Cielo. Buntong hininga ang pampigil niya rito. Ako naman sa buong panahon ng aming usapan, nangingilid ang luha, nagtatangkang tuluyang pumatak pero maagap ang aking mga kamay upang pigilan itong bumagsak.
Miyerkules ang libing ni Erick. Gusto ko sanang pumunta para maihatid siya sa huling pagkakataon pero sobrang abala ako sa maraming bagay.
Sabi ni Cielo, yung pitong schools sa Rosario ay nag-iisip gawing holiday ang araw ng libing.
Siya nga pala, akala ko ako na lang ang natitirang nakikipaglamay kay Cielo nang gabing iyon. Meron pa pala. Ito ang punong makopa.
Napansin niyo siguro na may ilang pictures ng makopa ang aking inilagay. Kung kami kasing dalawa ni Cielo ay nagpipigil ng luha na pumatak. Yung bunga ng makopa, panay naman ang bagsak. Waring mga luha ang kanyang bunga na panay ang patak, bilang pagdadalamhati para sa isang taong ang buhay ay hindi hamak.
nalaglag na makopa |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento