Ang KalyeMarino sa Cavite City ay waring lugar ng kawalang pag-asa para sa maraming naninirahan doon ngunit hindi para kay Intoy.
Ito ang lugar kung saan lumaki si Intoy Syokoy (JM De Guzman) at ang tatlo niya pang kaibigan na lalaki at isang babae, si Doray. (LJ Reyes).
Si Intoy ay isang magtatahong na umiibig sa kanyang kababatang si Doray. Ninais ni Intoy na ialis si Doray sa lugar na iyong upang makapagsimula sila ng bagong buhay at maiahon si Doray sa pagbebenta ng kanyang sarili para ipangtustos sa pangangailangan at pag-aaral ng kaniyang dalawang kapatid.
Nagkasundo silang dalawa na sa oras na maibenta na ni Intoy ang kanyang tahungan ay babalikan niya si Doray at sisimulang ang kanilang pangarap.
Kapwa nilisan ng mga ina, sila Intoy at Doray ay nakipagsapalaran sa buhay upang bigyang pag-asa ang isa't isa.
Subalit ang tadhana ay magiging malupit sa kanilang dalawa at sa dakong huli ay masusubok kung hanggang saan ang kanilang pag-ibig sa isa't isa.
Ang pelikula ay tumatalakay sa kahirapan ng mga tao sa Kalye Marino at sa kung paano nila nilalabanan ang mga ito. May ilang nakasusumpong ng daan ng pagbabago sa Kalye Marino at may ilan naman ang tanging sagot ay ang lisanin ito.
Sa pelikulang ito makikita na ang dangal ng tao ay maaaring maitumbas lamang sa ilang kilo ng isda.
Pagtatakip ni Doray sa pinanggalingan ng kanyang itinitinda, "Laway lang naman ang puhunan ko diyan." Pero laway lang ba talaga ang puhunan niya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento