Miyerkules, Hulyo 11, 2012

HINDI KA SI CRISTO

Noong una, pinuntahan niya lang ako sa church upang siya ay maipanalangin.  Sumunod niyang bisita, tanghalian kaya naimbitahan ko siyang sa bahay na kumain.    

"Pastor, puwede bang manood muna ako ng tv dito  Wala kasing tv sa amin e."  Sabi ko naman ok lang.  Pagkatapos noon, araw-araw na siyang pumupunta sa bahay namin.  At siyempre, kumakain.



Si Ayan habang kumakain


23 years old na si Ayan.  Hanggang third year lang siya sa high school kasi nalulong siya sa drugs.  Miyembro sa church ang kanyang namayapang ina.  Ang tatay niya naman daw ay nasa Tarlac, may iba nang pamilya.  Dahil isa lang siyang anak ng mga magulang niya, nag-iisa na lang siya sa bahay nila.  Bagama't katabing bahay niya ang tiyuhin niya.  Ang kanya namang tiyahin ang sumusuporta sa kanya.

Pagkatapos ng ilang araw niyang pagpunta punta sa bahay, nagtatanong na ang dalawa kong binata.  Actually, nagrereklamo na sila.  Madalas kasi, hindi pa naliligo si Ayan kapag pumupunta sa bahay.  At napupuno ng amoy niya ang ibaba ng bahay.  Mabuti na lang may kuwarto sa ibaba para sa mga anak ko at sa itaas naman ang kuwarto ko.  Masakit kasi talaga sa ilong at maya-maya sa ulo ang hangin kapag pumupunta nang di naliligo si Ayan.

Kumakain, tumatambay, nagpapahinga sa salas o nanonood ng TV.  Medyo ok lang naman yun.  Ok ba talaga o umiiral na naman ang kaplastikan ko?  Hahahahahahahahaha!  Sa isang banda, may mga agam-agam din ako.

Siyempre nakapag-aalala rin na may taong nalulong sa drugs na kasama mo.  Naiisip ko ang mga gamit namin at ilang gadgets sa bahay.  Oo, sinabihan ko ang mga anak ko na mag-ingat.

Kailangan ring magluto kami kapag nandiyan siya.  Although nagdadala rin ng ilan-ilang pagkain bilang pangshare sa bahay.  Sabi ko nga bakit nag-abala pa siya.  Ang plastik ko talaga no?

Pero lahat ng agam-agam ko at ng mga anak ko ay pilit naming pinaglalabanan maliban lang sa isang bagay.  Minsan kasi tumatawa na lang siyang mag-isa.  Naku po!

Ang totoo, naconfined na rin si Ayan sa Mandaluyong.  Ngayon naman siguro maiintindihan niyo ang agam-agam ko.

"Pastor, puwede bang dito na ako matulog?," ang pakiusap ni Ayan.

"Pasensiya ka na Ayan, ang puwede lang magstay dito ay mga pamilya ko lang.  Yun ang policy ng simbahan," ang sagot ko sa kanya.  Hoy, mga readers, hindi na plastic yun ha? Policy talaga yun.  Defensive ba ako?  Hahahahahahaha!  

Ang totoo may extrang kuwarto pa sa taas na puwede siyang pagtulugan.   Kaya lang, again, I need to abide with the policy. 

"Papa, lagi-lagi na siya narito," reklamo ng panganay at pangalawa ko. 

"Anak, paano ko sasabihing huwag na siyang pumunta rito kung mukhang dito siya nakakasumpong ng pagtanggap? Siyempre, yung iba, itataboy siya.  Sige nga, ilagay niyo ang sarili niyo sa kalagayan niya.  Gusto niyo ba na paalisin din kayo?," katwiran ko.

Simula noon, kapag nasa bahay si Ayan, pinariringgan ako ng pangalawang anak ko.  Hindi raw ako si Cristo.  Natatawa na lang ako.

Isang hapon, dumating na naman si Ayan, umaalingasaw na naman sa loob ng bahay.  Naglakas na ako ng loob.  Sabi ko, "Ayan, maligo ka.  Ang magpapastor dapat naliligo araw-araw."  Yun ang nasabi ko kasi, minsan nasabi niya na gusto niya raw magpastor.  Pumayag naman sa panguuto ko.  Ang problema, wala siyang pamalit kaya, inihanap ko siya ng shorts, brief at tshirt ng aking mga binata.  

Siyempre pa, may mga matang nakatingin sa akin nang masama at parang nagsasabi na "Hindi ka si Cristo". Hahahahahahahaha!

Binigyan ko rin siya ng tuwalya.  Ang problema, paano sa susunod na punta niya?  Kaya ang ginawa ko, pinalaban ko sa kanya ang pinaghubaran  niya.

Sayang lang at nabura ko accidentally ang mga pictures sa memory card ng cp ko.  May picture doon ng pinagsabunan ng marumi niyang damit na natalo ang sabon dahil sa sobrang dumi.  Sobrang itim.

Sinundan ko siya kung paano maglaba. Ano ba? Ang alam ko, toddler lang ang sinusundan.  Pero kailangan pa talaga niya ng gabay.

"O, bakit isang banlaw lang ang damit mo," pagtataka ko.
"OK lang yun pastor, para mas mabango," sagot niyang nakangiti.

Sa loob-loob ko, alam niya pala ang ibig sabihin ng mabango.  Hahahahaha.  Hindi na ako nakipagtalo sa katwiran niya dahil baka ilublob niya pa ako sa pinagsabunan niya.  Hahahahahaha!


Sabi niya sa akin habang nakangiti, "Pastor salamat ha?"  Parati siyang nagpapasalamat sa akin.  Sunod na hirit niya, "Pastor, puwede bang ampunin niyo na lang ako?" Naku naman, magiging orphanage pa yata ang parsonage(tawag sa bahay ng pastor) ko.  Hahahahahahaha!

Nalungkot ako kasi hindi naman aking talaga ang bahay kaya hindi naman ako makasagot sa kanya.  "Pasensya ka na Ayan, talagang policy ng simbahan na pamilya lang ang titira dito."  Sagot na man siya, "Ok lang pastor."  Alam ko naman na hindi naman talaga "ok" sa pakiramdam ang sagot ko sa kanya.

Minsan may dala siyang pampritong isda. Minsan naman ay ganito ang kanyang bitbit.




Siyempre tinanong ko siya kung saan yun galing.  Mahirap na baka mapagkamalan pa akong mastermind niya.  Hahahahahahaha!

"Binili ko po yan Pastor."
"Saan ka kumuha ng pera?"
"Sa tita ko po."
Nakahinga na ako ng maluwag

Ngayon, pag pumupunta ako ng grocery, kasama na sa bilang si Ayan.  Nagprito ako ng longganisa para sa almusal.  Natuwa naman ako nang marinig ko sa pangalawa kong anak na nagsasabing hindi ako si Cristo, "Kuya, tiran mo ng langgonisa si Kuya Ayan."   Natuwa ako hindi dahil panatag na akong pumupunta si Ayan kundi dahil medyo tanggap na siya ng mga anak ko.  Ibig sabihin, wala nang masamang tingin sa akin at magsasabi na, "hindi ka si Cristo." Hahahahahahahaha!

Naisip ko, hindi talaga ako si Cristo pero kailan ko maipapakita si Cristo at kailan ko masusunod ang utos ni Cristo?  Kailan ko maisasapamuhay ang pananampalataya ko kung mabibigo akong pakitunguhan si Ayan na maaaring nilalayuan na ng mga tao?

Ang pagsunod ko ba ay sa tuwing komportable lang ako?  Sa tuwing mabango lang ang naaamoy ko?  Sa tuwing walang dinadalang pangamba sa pakiramdam ko?

Sa isang banda, nagpapasalamat ako kasi may chance na ako na hindi lang kumanta at sumayaw tungkol sa pagiging Cristiano ko.  May chance na akong gawing kongkreto ang pagmamahal sa kapwa ko.  May chance na akong gawin ang mga ipinangangaral ko sa pulpito.

Siya nga pala, yung post ko na may pamagat na "Underserved," nanay ni Ayan ang tinutukoy kong patay doon.

Naalala ko tuloy ang nanay niya.  Kaladkad ang kanyang mga paa dahil sa stroke papalapit sa akin pagkatapos ng aming worship service, laging bukambibig, "Pastor, pag pray mo si Ayan.  Pastor, tulungan mo si Ayan."

Gusto kong sabihin ngayon sa nanay ni Ayan, "Huwag ka mag-alala kapatid na Mely, close na kami ng anak mong si Ayan."

















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento