Biyernes, Hunyo 22, 2012

VICE VERSA

Last Thursday,narinig ko na naman ang isang bagay na sawa na akong marinig sa mga tagapangaral ... BISYO.






Hindi dahil sa pabor ako sa mga bisyo o ako ay nagbibisyo.  What annoys me ay ang paglimita sa ating konsepto ng kasalanan sa mga bisyo.

Hindi nakapagtataka na kapag pinag-uusapan ang kasalanan, ang nasa isip natin ay paglalasing, imoralidad, paninigarilyo, pagsusugal at iba pa.

At ang pagbabagong buhay ay nasusukat kapag nakalaya na tayo sa mga bisyong ito.

Kaya paumanhin, matapos kong marinig ang speaker na ito, naglakbay na papalayo ang isipan ko.

Naisip ko na nagiging bisyo na ng mga Kristiano na pag-initan lagi ang mga bisyo at ang mga gumagawa nito.

Kaya tuloy, ang mga taong may bisyo ay hindi pumapasok sa simbahan dahil ramdam na ramdam nila na hindi sila tanggap ng mga tao sa loob malibang itakwil nila ang kanilang kinahihiligan.

At nakakalimutan din ng mga Kristiano na may iba pang klase ng bisyo na hindi nabibigyang pansin at kasing lala o kaya ay higit pa ang sama ng epekto.

Hindi ba't masama ring bisyo ang pagiging tsismoso, malisyoso, inggitero, mareklamo at mapanggulo?

Hindi ba't sa bagong tipan ang kalaban ni Kristo ay ang mga taong simbahan at nakipagkaibigan siya sa mga makasalanan?

Kaya kung hindi man tayo nagbibisyong panlabas(sigarilyo, alak, drug etc.) pero may bisyo naman tayong panloob (rebelde, matigas ang ulo, gumagawa ng pagbabaha-bahagi) e VICE VERSA lang tayo.

Maaring hindi tumutungga ng alak ang isang tao, pero lasing na lasing naman siya sa kanyang kapangyarihan o kayamanan.

Maaaring hindi butas ang baga ng isang tao kasisigarilyo pero ang itim naman ng puso niya dahil sa hindi pagpapatawad.

Sana naman, sa susunod kong pakikinig sa kung sino mang tagapangaral, magbanggit naman ng ibang uri ng bisyo o kaya e VICE VERSA  na lang ang ituro.

Kasi, sa loob ng simbahan, marami rin ang may bisyo,  sa loob nga lang ng sarili nakatago.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento