Huwebes, Enero 10, 2013
SI LEGAL WIFE, SI THE MISTRESS AT SI AKO
Aktong naggagayak ako papuntang meeting nang makatanggap ako ng tawag sa aking cellphone.
Caller: Asan po kayo pastor?
Me: Sa bahay.
Caller: Pastor, tulungan mo ako! (hingal ang boses niya) Abangan mo ang asawa ko pababa siya ng LRT at hindi ko alam kung sino ang kanyang kakatagpuin.
Dahil sa dating ng boses niya na mukhang nagmamakaawa, hindi ko na nagawang sabihin na papunta ako sa meeting nang tumawag siya at ang tanging gusto ko na lang ay matulungan siya. Nagpasya na akong huwag um-attend sa aking meeting at nagpatuloy sa pag-aayos.
Maraming tanong sa isip ko pero nagmamadali ako para nga abangan ang mister niya na pababa raw ng LRT sa Monumento Station.
Gustuhin ko mang tawagan siya para sa mga detalye e hindi na raw siya puwedeng tumawag o tawagan gawa ng malapit na siyang mag low battery. Matagal na akong umalis sa church ng aking member na nagpapasaklolo sa akin. Isa pa, ilang beses ko lang nakita ang kanyang asawa. Kaya tinanong kung ano ang suot at pilit na inaalala sa isip ko ang itsura ng mister niya.
Alas otso raw umalis ang mister niya at sinundan niya matapos ang kalahating oras.
Pasado alas nuwebe ng umaga (9 am) at nasa first landing na ako ng hagdanan ng LRT. Nakaalerto ako sa mga bumababang lalaking pasahero na may suot na tshirt na puti na may guhit na black at bagong puting rubber shoes. Yun ang description niya sa akin.
Nakakapagod mag-abang at tumayo. Nakakapagod ang mag-isip na paano kung hindi naman talaga nagpunta ng Monumento ang asawa niya. Paano kung hindi nagtuloy o iba ang sinakyan? At napagod na talaga ako kaya sumalampak na ako sa hagdan ng LRT. Kung dati ay para akong mga taga-alok ng kung anu-anong produkto sa mga pasaherong bumababa. Ngayon ay para na akong pulubi na naghihintay ng limos. Hahahahaha!
Abang ... abang ... abang! Kung ang paabangan niya lang sana sa akin ay ang mga deboto ng Jesus Nazareno na bumababa ng LRT, e kanina pa sana tapos ang trabaho ko. Maya't maya kasi ay may mga bumababa na naka maroon na tshirt at nakapaa. Doon ko na-realized na piyesta pala ng Quiapo. Gusto ko sanang i-suggest sa kanya na bakit hindi na lang siya nakiprusisyon sa Quiapo para tumino ang asawa niya, baka may mangyari pa. Kesa namang para siyang si Lydia de Vega sa kahahabol sa isang lalaking nawala na ng debosyon sa kanya.
Ang bilin sa akin, sundan ko raw kung saan pupunta at tignan kung sino ang kakatagpuin. Hello? Ang papel ko ba sa dramang ito ay parang best friend ng babaeng kinakaliwa ng asawa at kasama sa confrontation scene ng AKO LEGAL WIFE at ng THE MISTRESS? Sorry, pero ang alam ko tapos na ang Metro Manila Film Festival. Hahahahaha!
Matapos ang isang oras na paghihintay, siya na ang bumaba. Palinga-linga. Ang sabi ko ay hindi ko nakita kahit anino ng asawa niya. Sinabi niya na baka nasa Grand Central pero ang sabi ko naman ay sunog na ang mall na pwedeng kitaan ng mga forbidden lovers. Hahahahaha!
Niyaya ko siya sa Jollibee dahil nagutom talaga ako. Siyempre ang eksena namin ay sa Jollibee na. Sabi ko kakain kami at nagpilit siya na siya na ang magbayad. Pumunta pa siya sandali sa katabing Chowking baka raw naroon.
Ang totoo, sa jeep pa lang ay nahimasmasan na siya na bakit niya raw ba susundan pa ang kanyang mister. Sinabi ko nga sa kanya ang iniisip ko na malay mo hindi naman talaga sa Monumento ang kanyang tuloy o kaya nagbago siya ng isip.
Isa pang totoo e matagal nang panahon na niloloko siya ng asawa niya. Ilang counselling sessions na ba ang nagugol ko sa kanya.
Ang sabi niya simula nang huli nilang gulo, nabawasan na ang kanyang malasakit sa asawa.
Sabi ko kung ganoon, puwede ngang magluko pa yun dahil kung yung panahon nga na buong-buo pa ang kanyang serbisyo e nakuha pang magluko ng kanyang asawa niya e, ngayon pa bang parang prepaid na lang ang serbisyo niya.
Pero ang nakakalito, wala na raw siyang pakialam sa asawa pero heto at dakilang stalker pa rin siya.
"Pastor, ano pa bang kulang?" tanong niya. Ang sagot ko na lang, "ang mundo ay isang malaking Quiapo. lumaban ka kundi maagawan ka." kung sana ako si Carmi Martin sa No Other Woman. Hahahahaha! Pero ang totoong sagot ko ay "ang mister mo ang may kulang dahil hindi niya magawang pahalagahan ang pagmamahal mo. Maging masaya ka na lang na buo ka kung magmahal." O di ba, winning dialogue ang tinuran ko? Sabay kagat ng Jollibee hamburger na bida ang sarap. Hahahahahahaha!
Speaking of Quiapo, ang Jesus Nazareno na lang yata ang hindi nawawalan ng deboto sa ngayon. Hahahahaha!
"Pastor, masyado kitang naabala." paumanhin niya. E ano pa nga ba? Gawin ba naman akong best supporting actor sa makulay na daigdig niya. Hahahahahaha!
"May a-attend-an nga sana akong meeting nang tumawag ka." ang sabi ko sa kanya. Ilang sandali pa, naghiwalay na kami.
HAAY! MAHIRAP TALAGA ANG KALAGAYAN NG LEGAL WIFE KUNG ANG MISTER AY MAY MISTRESS DAHIL ANG ISANG ABANG PASTOR ANG PUWEDENG MASAMA SA CONFRONTATION SCENE. Hahahahaha!
The Lesson of the Story: Para sa mga legal wife, huwag habulin ang tumatakbo. Ika nga sa kasabihan, "lalong pinipigil, lalong nanggigigil."
Siya nga pala, nag text siya kinabukasan, hindi ko raw pala talaga makikita ang kanyang asawa kasi sumakay na lang daw ng bus sa halip na LRT. Kitam?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento