Noranian ang nanay ko. Bukod sa palabas sa pelikula at telebisyon ng Superstar na kanyang sinusubaybayan, handa rin siyang ipagtanggol ito sa kanyang mga detractors. Lahat ng mabuti ay kay Nora at lahat ng masama ay sa ibang artista. Pero sa panahong hindi na maikaila ang kamalasan ng kanyang idolo, tikom ang bibig na nanay ko. Typical na typical na fan. Hahahahahahahaha!
Tinanong niya ako kung ano ang panonoorin. Sabi ko yung "Thy Womb." Agad niyang balita sa akin na nanalo ng best actress si Nora sa MMFF. Ano pa bang bago sa pagkapanalo ni Nora? Lahat na yata ng awards napanalunan niya na. Ibig sabihin, payag ang nanay ko na manood kami ng sine.
Isang sakay sa jeepney at nasa SM North na kami. Hinanap ang sinehan kung saan palabas ang pelikula. Sa totoo lang, nangangamba ako na baka hindi na palabas ang pelikula. Balita kasi na pulled-out na agad ang pelikula ni Nora sa first showing pa lang. Mahina raw kasi sa takilya ang pelikula. Ewan ko lang kung alam ng nanay ko ang balita o hindi niya lang ibinabalita sa akin.
Mabuti na lang at palabas pa ang pelikula. Pumila na ako sa bilihan ng tickets.
Ang Noranian kong Nanay |
Maganda ang pelikula. Ipinapakita nito ang kultura ng ating mga kababayang Muslim sa Tawi-Tawi sa Mindanao. Magaling ang cinematography. Pambalanse ang magagandang tanawin sa maya-mayang kaguluhan na ipinapakita sa pelikula gawa ng alitan sa pagitan ng mga rebeldeng Muslim at ng mga sundalo ng gobyerno. Sa pelikulang ito ko nalaman na ang sikat na kanta na "Dayang-Dayang," ay isang love song pala na madalas ginagamit sa kasalan ng mga Muslim. Hahahahahaha!
Ang pelikula ay kuwento ng isang babaing Muslim (Nora Aunor) na nagsisilbing hilot o tagapagpaanak sa kanilang lugar na sa kasawiang palad ay hindi biniyayaan ng anak. Sa kagustuhan niyang mapasaya ang asawa (Bembol Rocco) ay siya mismo ang naghanap ng babae na maaaring mapangasawa ng kanyang asawa at magkaroon dito ng anak. May ilan silang pagtatangka at pag-iipon ng pera, pagbebenta ng ibang gamit upang matupad lamag ang kanilang layunin na maipon ang dowry na ibibigay sa magulang ng babae na kanilang maiibigan. Natagpuan nila ang babaing ito na ginampanan ni Lovi Poe. Ngunit may kundisyon pa ang dalaga sa kanyang pagpapayag na magpakasal, sinabi niya ito nang sila lang dalawa ang magkausap ng kanyang mapapangasawa, na matapos niyang mabigyan ng anak ang kanyang magiging mister, hihiwalayin nito ang kanyang unang asawa.
Bagama't sala't ang sinapupunan upang magkaanak ang karakter ni Nora sa pelikula, nag-uumapaw naman sa pagmamahal ang kanyang puso para sa kanyang asawa. Nagkataon lamang na sa kultura na kanyang kinabibilangan, ang pagkakaroon ng anak ang tinatayang silbi ng isang maybahay.
Alam niyo ba na ang aking nanay ay nabaog din matapos ipanganak niya kaming mga anak niya? Hindi naman daw sila nagkontrol o gumamit ng contraceptives. Sadya na lang tumigil ang Thy Womb. Hahahahaha! Mabuti na lang at naisilang niya kami bago pa man magsara ang kanyang sinapupunan . Gaya ng karakter ni Nora, nabuhusan din kami ng pagmamahal ng aking nanay.
Taglay pa rin ni Nora ang galing sa pagganap. Nandoon pa rin ang nangungusap niyang mga mata. Karapat-dapat pa rin siya sa mga parangal. Subalit gaya ng baog na karakter niya sa pelikula, waring salat na salat na ang mga taong tumatangkilik sa pelikula niya. More or less ay sampung katao lamang kaming nanonood sa sinehan.
Kung gumanap lamang sanang Darna si Nora e naipasa niya ang bato sa mga taong susunod na tatangkilik ng kanyang pelikula. Kaya wala ring naipasang bato sa akin ang nanay upang idolohin ko rin si Nora. Ang totoo, lumaki akong maka Vilma dahil siguro sa attitude kong pagkampi sa mga underdog.
Kung pagbabatayan natin ang dami ng nanood ng pelikula. Sadyang kailangan ni Nora ng HIMALA para mapuno ang loob ng sinehan. Pero siya na rin ang nagsabi sa kanyag iconic na role, "WALANG HIMALA!"
Natapos ang pelikula na open-ended. Typical sa mga indie films. Hindi malinaw kung itutuloy ba ni ni Bembol Rocco na hiwalayan si Nora bilang kasunduan nila ni Lovi.
Depressing ang tema ng pelikula kaya bilang pampaalis ng depression, nagmerienda kami ng aking nanay.
Dito Raw Kumakain ang Masarap Kumain |
Matagal pa siguro mauulit ang panonood namin ng NANAY. Matagal pa rin sigurong magkakapelikula uli si ATE GUY.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento