Lunes, Setyembre 30, 2013

HULING ARAW NG SETYEMBRE

Tanghaling tapat ngunit humahagupit ang ulan
Nagbibigay alalahanin sa mga bagay na gagawin
Dahil katulad  ng madalas na nangyayari
Sa pagbuhos ng ulan, nababalam ang marami .

Ika-apat ng hapon nang kami ay makaalis
Tumila na ang ulan pero oras naman ng uwian
Siksikan, tulakan, alitan ang matutunghayan
Saan man sa mga pampublikong sasakyan.

Huling araw ngayon ng  Setyembre
Huling araw  rin sana ng pag-ulan
Huling araw  rin sana ng pagkabalam
Ng takbo ng buhay at ng mga sasakyan.

Nagpasalin-salin sa tatlong sasakyan
Kasama ako, tatlo kaming tinahak ang daan
Panahon na naman ng hatiran
Pagkikita'y  sa katapusan na naman ng buwan.

Kung puwede lang sana na wala na ang sunduan
Lalo naman sanang puwedeng wala na ang hatiran
Upang hindi na mag-aalala sakaling umulan man
At magpasalin-salin sa mga sasakyan.

Ngunit gaya ng ulan na biglang bumubuhos
Unos ng buhay minsan ay padalus-dalos
Mararamdaman na lamang na ikaw ay basa
At ang baha ay tumataas, rumaragasa.

Kung maaari lang sana ay huwag munang makita
Upang sakit ng damdamin huwag manariwa
Subalit anong magagawa kung may nagdudugtong
Mga batang ihahatid at susunduin sa istasyon.

Inalok ng kape at tinapay nang dumating.
Kahit ayaw galawin ay napilitan man din.
Mga mata ng ibang tao ay nakatingin.
Kahit paano ayaw na ikaw  ay pahiyain.

Sunud-sunod ang subo at panay-panay ang lagok
Sa tinapay at kape na ang lasa'y kagyat na nalimot
Dahil mas mapait pa sa kape at matabang pa sa tinapay
Ang sakit na idinulot ng ginawa mo sa aking buhay.

Matapos kumain, muling inalok ng panibago
Tama nang minsan, gaya ng minsan akong niloko.
Bagama't nag-aalangan ang loob ay nilakasan
Tumayo na at nagpaalam, handa nang lumisan,

Matapos magpaalam sa mga hinahatid at sinusundo
Lumakad na ako papalabas ng pinto
Inihatid na animo'y nandoon pa ang pagsuyo
O baka naman iwas lamang sa sasabihin ng tao.

Walang lingun-lingon ako ay lumakad
Matapos ang matipid na paalam at paiwas na tinginan
Pinilit ituwid ang lakad ng nanghihinang katawan
Habang nagmamadali na makarating sa sakayan,

Pag liko sa kanto ang luha ay pumatak
Tumila na ang ulan ngunit hindi ang pag-iyak
Huling araw na nga Setyembre, marahil ulan ay huli na rin.
Ngunit ang sakit ng damdamin ay nadarama pa rin.

Kung kailan matatapos ang pag-iyak ay di alam
Nanalangin na sana ay may mapagdiskitahan
Upang bigong damdamin sa lungkot ay  mapigilan
At sumikat na ang araw pagkatapos ng ulan.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento