Natatandaan niyo pa ba si Ayan? For those who don't, just read the post, TAKAL at HINDI KA SI KRISTO.
The latest about him ay nagiging problema ko na siya? Bakit? Dahil ramdam ko na pinuproblema na siya ng mga miyembro ng aming church.
At mayroon insidente na magpapatunay na problema na nga talaga si Ayan.
Isang hapon kasi, kinuha niya ang bag of groceries na nilapag ni Amos sa aming kitchen. Walang tao sa baba ng bahay kaya nagawa ni Ayan na kunin ang bag of groceries.
Matapos naming magtanungang mag-aama at mapagod nang kahahanap kung saan ang nawawalang grocery, nasabi ni Amiel na baka si Ayan ang kumuha. Agad kong sinabihan si Amiel na huwag basta magbibintang.
Bumaba ako para tanungin ang dalawa naming caretakers kung may napansin silang tao na bumaba na may dalang bag of groceries. At tama ang hinala ni Amiel, si Ayan nga ang kumuha.
"Akala namin Pastor binigay niyo ang groceries kay Ayan kasi labas pasok na siya sa inyo," katwiran nila. May katwiran sila, sa gawi ng pakikitungo ko kay Ayan, hindi na nga nila paghihinalaan ito.
Dahil sa insidente, lalong tumibay ang mga isipan ng ilang miyembro na hindi talaga mabuti na naglalagi si Ayan sa aming bahay. Para ko nang naririnig ang mga katagang, "I told you." At mas nagiging makahulugan pa ang titig ngayon ng aking mga anak bilang alanganing pagtutol ng pagpunta-punta ni Ayan sa amin.
Habag isinusulat ko ang post na ito, waring tumutugtog ang awit ng mga madre sa pelikulang Sound of Music, "How do you solve a problem like Maria?"
Naibalik naman sa amin ang groceries na kanyang kinuha. Nang gabi kasi na yun, kasama ang dalawa pang youth sa aming church, pinuntahan nila si Ayan sa kanyang bahay. Ibinalik pala ni Ayan ang grocery sa pinagbilhan ko nito sa akalang maipapalit niya ito ng pera dahil gusto niya raw bumili ng earphone o celphone.
Naikuwento ko sa church ang nangyari at isa-isa na silang nagbigay ng kuro-kuro kung paano i-deal si Ayan. At mayaman sila sa ideas. Pinakinggan ko naman. Pero may isang bagay akong hinihintay na marinig. Kung sino ang gagawa ng mga bagay na yon para kay Ayan. Ngunit hanggang ngayon, wala pa rin akong naririnig.
Sa totoo lang, may katwiran na akong huwag na ngang papuntahin si Ayan sa bahay. Marami ang makaiintindi sa akin. Pero, ewan ko, hindi rin ako mapayapa iniisip ko pa lang ang iwasan siya. Pagtaguan siya.
Kumilos na in advance ang aming mga caretakers. Sa tuwing pupunta si Ayan, sinasabi nilang wala ako para wag na siyang pumanhik sa itaas. Effective naman ito. Medyo na-relieved ako kahit paano. Pero, naging adik lang si Ayan. May kakayahan pa rin siya na mag-isip. Kaya ang ginawa niya, sa gabi siya pumupunta. At sa mga panahong yun niya ako nadadatnan sa bahay.
Isang tanghali, nakalusot siya, tamang-tama na kumakain ako. Tilapia ang ulam. Sapat lang sa amin ang dami. Pero dahil nahilaw ang kanin, hindi na ginalaw ni Amen ang pagkain niya na nasa center table.
Malamig ang pakikitungo ko kay Ayan that time. Alam ko ang pakay niyang kumain. Bilang pag-iwas, sinabi ko sa kanya na,"Ayan, hindi kita maalok na kumain kasi hilaw ang kanin." Mabilis naman ang sagot niya, "Ok lang po yun pastor." Wala na akong magawa kundi iabot sa kanya ang iniwang pagkain ni Amen.
Kung ako, pinagtitiyagaan ko ang hilaw na kanin, para naman kay Ayan, ito na ang pinakamasarap na pagkain niya ng araw na yaon. Humingi pa siya ng extra rice. Pero kulang ang ulam. Hindi ko maiwasang panoorin siyang kumakain. Ilang sandali pa, tinanong ko na siya,
"Saan ka kumakain kapag wala ka rito sa amin?"
"Nanghihingi po ako sa kapitbahay."
"Eh, yung tita mo na nagsupply sa iyo ng pagkain?"
"Hindi nga po dumarating e. Pastor, puwede bang makahiram ng pamasahe papunta sa tita ko. Hihingi kasi ako ng pera."
"Naku, paano kung pumunta nama sa inyo ang tita mo, e di magkakasalisi lang kayo. Sayang lang ang pera."
VALID NAMAN ANG ALIBI KO DI BA?
Nagtuloy siya sa pagkain. Inulit-ulit simutin ang tinik ng tilapia. Sa loob-loob ko, kung puwede lang kainin ang tinik, inubos na sana ni Ayan.
Pagkakain, nakita niya na may barya sa bookshelves,"Pastor, puwede bang mahingi ko na lang ang barya niyo." Mabilis naman ang aking tanggi,"Naku, kay Amiel yan."
VALID PA RIN ANG ALIBI KO DI BA?
Sa isang pagtitipon sa church, hindi madiretso ng isang maimpluwensiyang member ang gusto niyang sabihin sa akin tungkol kay Ayan.
"Kailangan may experience tayo sa pagha-handle natin ng mga problema," ang katwiran niya.
Ibig niya lang sabihin na wala akong sapat na kakayahan para lubusang i-deal si Ayan.
Tama naman siya. Wala akong sapat na kakayahan. Pero hindi ko rin kaya na basta na lang tumalikod sa pangangailangan ni Ayan.
Naisip ko, kung wala kaming kakayahan. Hihinto na ba kami? Hindi ba namin puwedeng pag-aralan upang magkaroon kami ng kakayahan na harapin ang mga katulad ni Ayan?"
Lalo pa akong nalungkot sa na-realized ko. As a church, isip kami ng isip ng programa para magparami ng tao. Naglalaan kami ng budget para lamang maituloy ang programang iyon. Ang tanong, hindi ba namin puwedeng gawing programa si Ayan? Nagsisikap kaming humanap ng mga ligaw na kaluluwa pero waring walang nakakakita na mismong si Ayan ang uri ng tao na aming hinahanap. At hindi na namin kailangang hanapin dahil nasa pintuan na namin.
Naghihintay lang si Ayan na pagtuunan namin ng atensiyon. Naghihintay lang siya na makasumpong ng kalinga ng pamilya mula sa amin dahil wala na siyang masumpungang pamilya.
Minsan o madalas, madaling sabihin na handa kaming maglingkod at magmahal sa Diyos at sa aming kapwa. Kinakanta pa namin ito, "I love you Lord" at "Oh I love you with the love of the Lord." Pero gaya nga nang sinabi ko, madaling kantahin ang mga bagay-bagay. Pero ibang-iba kapag actual nang gagawin ang essence ng aming kinakanta at pinag-aaralan.
Sa ngayon, patuloy pa rin sa pagpunta si Ayan sa aming bahay. Patuloy pa rin sa pagkain. Gusto ko siyang pagtuunan ng pansin, pero kulang ang oras ko. Gusto ko siyang pakinggan at pasukin ang kanyag mundo sa pag-iisip na kahit paano, maramdaman niyang may ibig umintindi sa kanya at maglaan ng panahon.
HOW DO WE REALLY SOLVE A PROBLEM LIKE AYAN? Minsan, hindi naman talaga si Ayan ang problema kundi ang kahandaan ko at willingness ko na makiramay sa kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento